MAYNILA, Pilipinas  –  Isang multisectoral group ang nananawagan ngayon sa pagbibitiw sa puwesto ni Solicitor General Jose Calida dahil umano sa ‘double standard’ na ipinatutupad ng OSG para sa kaso ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Associate Justice Teresita De Castro.

Ayon sa Coalition For Justice (CFJ), isang grupo na sumusuporta kay Sereno, kuwestiyonable ang pagbasura ni Calida sa panawagan ng isang pribadong indibidwal na sampahan din ng quo warranto petition si De Castro dahil sa ‘pagsisinungaling’ nito nang sabihing nakumpleto niya ang requirements ng Judicial Bar Council (JBC) nang mag-apply siya bilang Chief Justice din noong 2012 gayong 15 lamang sa 39 na Statement of Assets, Liability and Net Worth (SALN) ang kaniyang naisumite.

“What we see here at work is a blatant double standard. Operating here is a policy of injustice where friends are protected and foes are persecuted; where lies are spun to defend or attack; where the selective application of law is key,” anang grupo sa isang pahayag nitong Lunes.

“This is all we can expect from this regime. It can produce no better. We will be fools to hope for more,” anang CFJ.

Iginiit ng CFJ na integridad ang isyu dito. Kung hindi umano matatanggap ng OSG ang ‘substantial compliance ni Sereno, hindi rin dapat tanggapin ang kay De Castro.

Magugunitang sinabi ng OSG na hindi puwedeng i-apply ang kaso ni Sereno kay De Castro dahil hindi naman naitalaga na Chief Justice ang huli; bagay na pinalagan ng grupo.

“It does not matter that she was not appointed CJ. After all, Calida claims that integrity is a continuing requirement, and when it is proven that a Justice has no integrity, she can be removed at any time,” giit ng grupo.