MAYNILA, Pilipinas – Hinila ng mga operatiba ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang sasakyan na pag-aari ng isang kongresista dahil sa pagparada nito sa gilid ng kalsada sa Quezon City nitong Lunes.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, isang Hyundai Tucson na mayroong plakang No. 8 ang na-tow ng MMDA matapos itong pumarada sa bawal na lugar sa harap ng isang condominium sa Scout Borromeo malapit sa EDSA.

Napag-alaman na ang naturang sasakyan ay pag-aari ni Albay Rep. Edcel Lagman, subalit nilinaw ng MMDA na ang gumamit nito ay ang apo ng mambabatas na si TJ.

Inamin naman kaagad ng nakababatang Lagman ang pagkukulang niya at mahinahong tinanggap ang tiket.

Ayon sa apo ni Rep. Lagman, nagpahatid siya sa nasabing condominium subalit nakalimutan niyang pagbilinan ang driver na huwag pumarada sa tabi ng kalsada.

Dahil dito, natiketan ang sasakyan ng kongresista dahil sa illegal parking na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P2,500. Ayon sa kanyang apo, nakahanda naman siyang bayaran ang nasabing multa.

“Wala namang magagawa, kasalanan ko naman,” wika ni TJ.