Bago umupo bilang director general ng Bureau of Corrections, nagsagawa ng sorpresang pag-iinspeksyon sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City ang dating Philippine National Police Chief na si Ronald De la Rosa.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, ginawa ni De la Rosa ang pag-inspeksyon sa Bilibid noong Sabado, ika-5 ng Mayo, o dalawang araw bago ang opisyal niyang pag-upo sa bagong puwesto.

Ani De la Rosa, nais niyang tingnan kung totoo ang balita na ang mga high-profile inmates ay nakapiit sa medium security compound.

Aniya, hindi dapat makahalubilo ng mga high-profile inmates ang iba pang mga preso. Dapat umano ay nakahiwalay sila at nasa maximum security compound.

“Mas delikado na mailipat sila sa medium. Magkakaroon sila ng mga bata-bata, sidekick, mga alalay, at ma-transfer nila ang technology at trade secret,” paliwanag si De la Rosa.

Gagawa umano siya ng paraan na ipagbawal ang paglapit ng mga tao sa pader malapit sa maximum security compound dahil sa mga balita na doon umano ipanadaraan ang mga kontrabando.

Sa pag-upo niya bilang BuCor chief sa Lunes, ika-7 ng Mayo, ay pangungunahan ni De la Reosa ang flag ceremony at pagkatapos ay magsasagawa siya ng inspeksyon sa building 14 sa maximum security compound kung saan nakapiit angmga high-profile inmates.